ANG KATOTOHANAN (The Truth):
Ang mga salaysay tungkol kay Supremo Andres Bonifacio na
itinuro sa atin sa paaralan ay katulad ng sine sa probinsya noong araw na
putol-putol, kaya ang natatandaan lang natin ay ang kanyang "Unang Sigaw
sa Balintawak" at ang pagkamatay niya sa kamay ng mga sundalong Pilipino
noong presidente si Emilio Aguinaldo. Kaya naman maraming naniniwala sa pasabog
ng ilang mananalaysay na ang dahilan daw ng pagbagsak ng Supremo ay ang
pagkakampi-kampi ng mga Kabitenyo laban sa kanya o ang tinaguriang
"Cavitesimo".
Subalit mayroon ngayong nahalungkat at nalimbag na mga patunay, unang-una ang
aklat ni Carlos Ronquillo na pinamagatang, "Ilang Talata Tungkol sa
Panghihimagsik ng Taong 1896-1897", sa pamamatnugot ni Isagani Medina (UP,
1996), na nagtatagni-tagni sa mga putol-putol na salaysay na itinuro sa atin sa
paaralan. Marami sa mga salaysay sa aklat na ito, tulad ng Acta de
Tejeros at Acta de Naic, na ipaliliwanag sa mga susunod na talata, dalawang di
magandang inasal ni Bonifacio na paglaban sa pamahalaan, ay hindi
binabanggit. Ang dahilan ay ang pinagkunan ng mga ulat sa pampaaralang
aklat ay mga sinulat nina Santiago Alvarez at Artemio Ricarte, mga kilalang
kaalyado ni Bonifacio, na walang salaysay tungkol sa mga bagay na
nakasisira sa Supremo. Kaya hindi alam ng mga kababayan natin na si
Bonifacio pala ay may mga pakanang inilatag na paglaban sa pamahalaang
manghihimagsik sa pamumuno ni Presidente Emilio Aguinaldo.
Ang pinag-ugatan ng paglaban ni Bonifacio sa pamahalaan ni Aguinaldo ay ang
pagkatalo niya sa halalan sa Tejeros. Nangibabaw ang kanyang mataas na
pagturing sa sarili at ipinagpilitan pa rin niyang pasunurin ang mga
manghihimagsik gamit ang kanyang pagiging Supremo ng Katipunan kahit hindi na
siya dapat kilalanin dahilan sa natalo siya sa halalan. Sa madaling salita,
napikon siya, nagalit at nagdabog; hindi niya matanggap ang pagtakwil sa kanya.
(Ronquillo,
65) Hindi niya akalain na sa kabila ng siya ang nagtayo ng Katipunan,
nagturo at naghubog sa adhikain ng mga manghihimagsik kapalit pala ay
pagalipusta sa kanyang pagkatao. Ito at hindi ang Cavitismo ang
ikinabagsak ni Surpremo Andres Bonifacio na nauwi sa malagim na kahihinatnan.
Unang-una alamin muna ano nga ba ang dahilan bakit nagpunta ang Supremo sa
lalawigan ng Cavite? Ang sabi na ilang mananalaysay ay upang ayusin daw ang
hidwaan ng Magdiwang at Magdalo. Hindi ito ang tunay na dahilan. Talaga
namang magkahiwalay ang dalawang sangay na ito ng Katipunan, tulad din ng ibang
mga sangay ng Katipunan, at may kani-kaniyang sakop silang mga bayan at may
sari-sariling pamamaraan ng pamamahala. Ang tunay na dahilan ng pagpunta
ng Supremo sa Cavite ay upang gamitin ni Mariano Alvarez, ang pangulo ng
Magdiwang, ang kapangyarihan ng Supremo upang ipatupad ang pagkahirang sa kanya
na mamuno sa pinagisang pamahalaan ng Katipunan sa Cavite.
Ayon sa isa sa mga saksi sa pangyayari, si Santiago Alvarez,
anak ni Mariano Alvarez, kamaganak ng maybahay ni Bonifacio na si Gregoria
de Jesus y Alvarez, ang apo sa pamangkin ni Mariano (Ronquillo,
47), natunton ang Supremo sa kanyang pinagtataguan sa Morong at natanggap
ang sulat imbitasyon ni Mariano na bumisita sa Cavite. Ang pagbisita, ayon sa
sulat, ay upang ipakita sa Supremo ang tagumpay ng himagsikan sa Cavite.
Dagdag pang salaysay ni Santiago na ang pagpayag ng Supremo ay may pasubaling
hindi siya magtatagal at hindi rin makikialam sa pamamalakad ng isa't-isa. (Alvarez[Katipunan,
302])
Napakadaling isipin na hindi lamang magpasikat sa Supremo
ang pakay ni Mariano Alvarez, kundi may iba pa. Malinaw na ang pagimbita
niya sa Supremo ay upang magpatulong na maipatupad ang pagkakahirang sa kanya
ng Supremo bilang pangulo ng pinagisang kilusan sa Cavite. Sapagka't noong
Agosto 24, 1896, nagkaroon ng pulong sa Gulod sa Banlat sa Balintawak ang mga
pinuno ng himagsikan na dinaluhan ni Mariano Alvarez at ng sugo ni Aguinaldo na
si Domingo Orcullo at dito'y hinirang ni Supremo Bonifacio si Alvarez upang
"...magakay ng hukbo sa pinagisang paggalaw sa buong Hukuman ng
Tangway" [lalawigan ng Cavite] (Ronquillo,
31) . Subali't apat na buwan na ang nakalipas hindi pa rin naipatupad
ang kautusan ng Supremo, pati ang balak na pagisahin ang Magdiwang at Magdalo
na pamumunuan sana ni Alvarez.
Kaya masasabing ang pagkakaroon ng kapulungan sa Tejeros ay
dahil sa kagustuhan ni Alvarez na matupad ang pangarap niyang matuloy ang
pagiging pangulo sa pinagisang lakas ng Magdiwang at Magdalo gamit ang
kapangyarihan ng Supremo na sa kanyang pagtingin ay siya pa ring kinikilalang
puno ng himagsikan. Kaya nga ang Magdiwang ang nagsulong ng kapulungan sa
Tejeros at hindi na kinunsulta ang Magdalo. Si Alvarez ang siyang nagpadala ng
mga paganyaya, ang Supremo naman ang nangulo sa pulong, at si Artemio Ricarte
naman ang kalihim, puro mga Magdiwang, at pinili nilang idaos ang kapulungan sa
kanilang sakop na bayan, ang San Francisco de Malabon, upang ganap ang kanilang
hawak.
Ayon kay Aguinaldo talagang pinaghandaan ang halalang ito sa
Tejeros ng mga Magdiwang dahilan sa ito'y hindi ipinaalam sa mga Magdalo na
tumanggap lamang ng anyaya ng araw bago maghalalan. Sila'y walang
kamalay-malay sa balak na pag-iisa ng puwersa ng Magdiwang-Magdalo.
Talagang itinaon nina Alavarez, Bonifacio at Ricarte ang araw ng halalan
dahilan sa abalang-abala noon ang mga Magdalo sa pakikipaglaban kaya wawalo
lamang sa kanila ang nakadalo samantalang naroon sa sakop ng Magdiwang taglay
ang kanilang mahigit sa isang daang tauhan nila. (Ronquillo,
29)
Ngunit hindi akalain ng mga Magdiwang na nagbago na pala ang pagtingin ng mga
manghihimagsik sa pamunuan ng himagsikan dahil sa mga nakaraang pangyayari gaya
ng tagumpay ni Aguinaldo sa Cavite at ang mga pagkatalo ni Bonifacio sa
Maynila. Ang mga pangyayaring ito ang naging dahilan ng hindi pagkakatupad
ng hangarin ni Alvarez at nasabit pa sa alanganin ang katayuan ng Supremo,
dahilan sa di inaasahang pagpili kay Aguinaldo na mangulo sa bagong itinayong
pamahalaang himagsikan.
Naganyong kahabaghabag ang Supremo Andres Bonifacio sa
kinalabasan ng halalan sa Tejeros. Una, tinalo siya ni Aguinaldo sa
pagkapangulo, 146 na boto kay Aguinaldo, 80 naman kay Bonifacio, at 35 kay
Trias (May
105; Ronquillo,
35), kahit na si Aguinaldo ay hindi dumalo at ibinoto ng "in absentia".
Ikalawa, hindi inayunan na gawin siyang pangalawang pangulo ng hindi na daraan
sa halalan dahilan sa sunod siya sa dami ng boto. Sa katunayan tahimik ang
kapulungan nang imungkahi ito ni Severino delas Alas. Ikatlo, tinalo siya ni
Mariano Trias sa pagka pangalawang pangulo. Ikaapat, nahalal lamang siya sa
pinakamababang tungkulin ng direktor ng Interyor, kung baga, consuelo de
bobo, na nilapastangan pa ni Tirona ang kakayahan niya sa pwestong ito.
Hindi siguro tumimo sa isip ni Bonifacio na nawalan na ng
tiwala ang mga manghihimagsik sa kanyang kakayahang mamuno dahil sa mga
balitang pagkakatalo niya sa mga labanan sa Maynila noong Agosto 1896, at sa
kanyang bigong makaagaw ng isa mang bayan para gawin niyang himpilan. (Alvarez[Katipunan],
302) Makikita rin ang di paggalang sa kanyang pamumuno ang hindi pagsunod
sa kanyang utos na dakipin si Vicente Fernandez (Alvarez[Katipunan],
302), isa sa mga hinirang niyang heneral noong maglabanan sa Maynila na
hindi gumanap sa kanyang tungkulin. Sa ganang kanya siya pa rin ang Supremo na
dapat sundin ng lahat, kahit na marami sa manghihimagsik sa Cavite ay hindi
naman kaanib sa Katipunan, kaya masakit sa kanyang kalooban ang kanyang
pagkatalo sa halalan na hindi niya matanggap.
Ang mga sumusunod na kaganapan ay patunay na hindi matanggap
ni Supremo Andres Bonifacio ang kanyang pagkatalo:
UNA – IPINAHAYAG NA LANGSAG ANG HALALAN AT WALANG SAYSAY.
Pagkatapos maliitin ni Tirona ang kanyang kakayahan bilang
halal na Direktor ng Interyor, ginamit niya itong dahilan upang ideklara na
lansag at walang saysay ang mga pinagkaisahan sa kapulungan dahil hindi daw
sinunod ang napagkayarian na susundin ang kagustuhan ng nakararami. Wala namang
umayon sa susog ni Tirona na si Jose Maria Del Rosario ang gawing direktor at
ito'y binalewala pa nga ng mga delegado (Ronquillo,
63). Dapat sana ang ginawa ni Bonifacio ay ideneklarang wala sa
lugar si Tirona, pinaupo niya at tinapos ang kapulungan. Sa halip ay
pagalit siyang sumigaw na sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan bilang
Supremo ng Katipunan ay ipinahayag niyang lansag at walang saysay ang
pinagkaisahan sa kapulungan at nagakma ng pagalis kasunod ang
kanyang mga tauhan.
Ngunit bago siya nakaalis ay hinarap siya
ni Koronel Santiago Rillo at nagsalita ng ganito:
“Wala po kayong kakatu-katuwiran ni
kapangyarihan, pawalang-halaga ang mga nahalal rito sa ating Asamblea General
at kung ayaw man ninyong tanggapin ang pagkahalal sa inyo, at kung aayaw na
kayong papigil, ay ako, Koronel Santigao Rillo, at sa kaayunan nitong Asamblea,
ay tinitindigan ko at aking tinutubos ang inyong pagka-Pangulo, para ipatuloy
itong Kapulungan.” (Ronquillo, 58)
Hindi binigyang halaga ni Bonifacio ang
pakiusap ni Rillo, at dali-daling umalis
kasama ang kanyang tropa. Pagkaalis ni
Bonifacio, hinarap naman ni Rillo sa kapulungan at nagsabing:
". . .Alam ng lahat ang aming
katapatan sa nagtatag ng Katipunan at sa Magdiwang; ngunit kung laban sa
katuwiran ang kinalabasan ng halalan na napagkayarian ng lahat ay pawawalang
bisa, kaming mga taga-Batangas ang magpapatupad nito sa pamamagitan ng lakas,
kahit kami lamang, kung hindi ayon ang mga taga-Kabite." (De los Santos,
53).
Pumangalawa naman ang mga taga-gitnang
Luzon at pumanig sa pahayag at hangad ng
mga taga-Batangas. (Ronquillo, 58 at 64)
At sa ginawang ito ni Koronel Santiago Rillo napagtibay ang itinayong
bagong pamahalaang himagsikan at mga halal na opisyal.
Ang pangyayaring ito tungkol kay Santiago Rillo ay isa sa mga hindi binanggit
nina Alvarez at Ricarte sa kanilang mga aklat, gayon din ng mga mananalaysay sa
ating panahon. Mahalagang malaman ito ng lahat upang maitaguyod ang katotohanan
na tinapos ang kapulungan at tunay na may bisa ang mga pagkakahalal ng mga
opisyal at hindi walang saysay tulad ng pahayag ni Bonifacio. Pagkatapos
isara ni Rillo ang kapulungan inatasan si Kor. Vicente Riego de Dios, isang
Magdiwang, na ipaalam kay Aguinaldo ang kanyang pagkahalal bilang pangulo at
samahan itong makarating upang manumpa sa kanyang bagong tungkulin. (May, 102; Corpuz,
130) Tumanggi si Aguinaldo sumama at tanggapin ang kanyang pagkahalal sa
dahilang papalapit na ang mga Kastila sa Pasong Santol na kanilang
pinaghahandaan. Napilitan lamang si Aguinaldo na sumama nang akuin ni
Crispulo ang pagtatanggol at sa kasamaang palad napatay naman siya sa labanan.
(Ronquillo,
80)
Ayon kay Epifanio delos Santos, ang pinakamaraming nagsidalo sa kapulungan ay
mga taga-Maynila, sumunod ang Magdiwang at pinakakaunti ay ang Magdalo. Ang mga
taga-Batangas naman ang tumindig upang ipagwalang bisa ang pahayag ni Andres
Bonifacio na walang saysay ang kapulungan at ang mga napagkayarian dito.
Dugtong pang ipaglalaban nila ang mga napagkasunduan, kung kailangan gagamitan
nila ng pwersa, kahit na hindi kikibo ang mga taga-Kabite, at ito nama'y
pinangalawahan ng mga taga-gitnang Luson. (Delos
Santos, 53)
IKALAWA - INUTOS NA MAGBITIW ANG MGA BAGONG HALAL
Kinabukasan pagkatapos ng halalan, iba naman ang naging
pahayag ni Bonifacio - siya daw ay dinaya. Pinangalawahan naman ito ni
Artemio Ricarte sa isang sulat na nagsasabing may pangalan na daw sa mga balota
nang ito ay ipinamigay. Pinulong ni Supremo Bonifacio ang mga Magdiwang
at sila'y gumawa ng isang pahayag na tinaguriang "Acta de Tejeros" na
nakalakip pa ang sulat ni Ricarte, at inuutusan ang mga nahalal na
bumitiw sa kanilang mga tungkulin dahilan sa bintang na pandarayang ginawa sa
halalan. Dahil dito, inanyayahan ni Bonifacio ang mga Magdalo upang ipaalam ang
kanyang utos, at dumating naman ang presidente ng Magdalo na si Baldomero
Aguinaldo, kasama si Daniel Tirona at Antonio Montenegro. Nang ipaalam ni
Bonifacio ang kanyang balak ay matinding tumanggi si Baldomero Aguinaldo at
nangatuwirang wasto at wala namang dayaang naganap sa halalan, at ang
lahat ng napagkayarian ay kinumpirma nga ng mga nakararami pagkatapos makaalis
ang Supremo. (Richardson,
320-338; May, 98
and 109; Ronquillo,
66)
Wala talaga sa katuwiran ang ginawa ni Bonifacio. Ang Magdiwang ang
nagpakana at namahala ng kapulungan. Si Ricarte at Teodoro Gonzales, mga
kasapi sa Magdiwang, ang namahagi ng mga balota, at binulungan pa ni Diego
Mojica si Bonifacio na may sulat na daw ng pangalan ang mga balota. (Ronquillo,
64) Bakit hindi siya kumibo at itinuloy pa rin niya ang halalan? Dapat sana
pinigil muna niya at kinilatis ang mga balota at saka ginawa ang nararapat na
hakbang. Bakit nang siya'y matalo saka niya sinabing siya'y dinaya, at hindi pa
sa kapulungan niya ito inungkat kundi kinabukasan pa nang wala na ang mga
delegado? Itong bintang na pandaraya ang siyang laging matitisod sa mga
aklat na itinuturo sa paaralan, at kaya nga nagmukhang inapi at
pinagtulong-tulungan ang Supremo Bonifacio ng mga taga-Cavite, isang kamalian
sa kasaysayan na patuloy pa ring itinuturo sa paaralan na hindi pa rin
winawasto.
IKATLO – NAGLUNSAD NG KUDETA LABAN SA BAGONG PAMAHALAAN
Makalipas ang halos isang buwan mula nang maghalalan,
tumawag muli ng pulong si Bonifacio noong Abril 19, 1897 at tumugon naman ang
higit na apatnapong mga Magdiwang na kasama niyang lumagda sa Acta
de Tejeros, at pati dalawang heneral ng Magdalo, sina Pio del Pilar
at Mariano Noriel. Nagabuo sila ng balakin na agawin ang kapangyarihan ng
bagong pamahalaan, sa madaling salita, golpe de estado o
kudeta. Nilagdaan nila ang isang kasulatan tinaguriang Acta de Naic,
o Naik Military Agreement, na ang layunin ay pabagsakin ang bagong
pamahalaan at arestuhin ang mga opisyal, sa madaling salita. Gamit ni Bonifacio
ay isang sulat ng galing sa paring nangangalang Fr. Pi, at ang pagsuko ng mga
Magdalong sina Cailles, Tirona at si Del Rosario, bilang patunay na aniya balak
isusuko ni Pangulong Aguinaldo ang himagsikan. Narito ang nilalaman ng Acta
de Naic na sinipi mula sa aklat ni Jim Richarson, "The Light of
Liberty":
"Kaming nangagtala ng tunay naming mga pangalan sa
ibaba nito ay pauang mga pinuno ng Hukbo ay nangag kapulong na pinanguluhan ng
Kataastaasang P,lo [pangulo] tungkol sa guipit na kalagayang tinatauid nitong
mga bayan at ng panghihimagsik; buhat sa napag aninao na Kataksilang gaua ng
ilang mga pinuno sa pag sira ng matibay na pagkakaisa, pag ayon sa kaauay na
Kastila at pag hibo sa mga kaual; bukod dito ang pagpapaubaya sa pangangasiua
sa mga sugatan sa kadahilanang ito aming pinagkaisahan na iligtas ang bayan
dito sa malaking panganib sa pamamaguitan ng mga paraang sumusunod:
"Una: ang lahat ng hukbo ay pipisanin sa pamamaguitan
ng matuid o sa pilitan at mapapailalim sa pamamahala ng Kagg. na si M. Pio del
Pilar.
"Ykalaua: uala kaming kikilalaning makapangyarihan sa
lahat kundi ang una ang matuid at ang lahat ng mga pinuno na buhat ng una at
magpahangang ngayon ay di nasisilipan ng Kataksilan at pag talikod sa
pinanumpaanan.
"Ykatlo: ang sino mang gumamit ng kataksilan,
karakarang lalapatan ng katapusang parusa.
"Yto ang aming pinagkaisahan na pinanumpaanan sa harap
ng Dios at ng bayang tinubuan na di tatalikuran magpahangang libingan." (Richardson,
376-7)
Nang malaman ni Aguinaldo ang masamang balak ni Bonifacio,
sumugod agad siya sa Bahay Hacienda na pinagpupulungan at nagpakita sa mga
magkakasabwat. Inimbita siyang dumalo sa pulong, ngunit sagot niya'y hind na,
dahilan sa hindi naman siya inimbita. Iniwan ni Aguinaldo ang pulong at bumaba
at tinungo ang kapaligiran, hinanap ang kanyang mga kawal na noo'y ikinulong
nina Bonifacio at sapilitang pinasasanib sa bagong hukbo. Ang mga kawal na
ikinulong ay pinagsabihan na kapag inutusang silang barilin ang sinumang
ituro sa kanila ay sundin at barilin, na siya namang ipinagtaka ng mga kawal.
Nang matagpuan ni Aguinaldo ang mga kawal, nangatuwa sila at nagsabing hind
inga raw nila malaman kung bakit sila naroroon. (Ronquillo, 106)
Maya-maya'y nakarinig sila ng malalakas na yabag sa hagdanan at ibinalita sa
kanila na si Bonifacio at ang kanyang mga kasabwat ay nagsilisan na.
(Ronquillo, 108) Si Bonifacio at mga kasamang taga Balara ay
nagtungo sa Limbon, ang mga Alvarez nama'y umuwi sa kanilang bayan sa San Francisco
de Malabon, si Ricarte ay tumakas at nagtungo sa nayon ng Kaytitingga, Alfonso,
na noo'y tinatawag na Mainam, punong tanggulan ng Magdiwang, at ang dalawang
heneral na Magdalo ay bumalik sa kanilang kwartel. Ipinatawag ni Aguinaldo ang
dalawang heneral at sinabing wala siyang sama ng loob sa kanila at ang dalawa
nama'y humingi ng tawad at sinabing nalinlang sila ni Bonifacio. Makalipas ang
ilang araw, ang mga Alvarez naman ay kumilala na rin sa bagong pamahalaan at
tinanggap ang mga tungkulin inalok sa kanila. (Ronquillo,
106-109; Delos
Santos, 46-47) Katulad din ng ilan pang mga palabang hakbang ni
Bonifacio ang kudetang ito ay hindi rin nabanggit sa mga itinuturo sa paaralan,
pati na ng mga mananalaysay sa panahon natin ngayon. Nakapagtataka!
IKAPAT - NAGTAYO NG TANGGULAN AT NAGTAGTAG NG SARILING HUKBO
Noong matapos ang nabigong kudeta ay nagmadaling umalis si
Bonifacio at kasamahan noong hatinggabi din iyon at nagtungo nga sila
Limbon. Kaagad-agad nagtayo ng mga baterya sa paso at daraanan sa ilog sa
pagaakalang sasalakay ang mga kawal ni Aguinaldo. (Ronquillo,
28) Subalit hindi sila ipinahabol ni Aguinaldo at walang karahasang
nangyari. Nanatili si Bonifacio sa Limbon kung saan siya ay nagtayo ng
tanggulan at nagsimulang mangalap ng sariling hukbo. (Corpuz,
117) Niyaya niya sina Hen Miguel Malvar at Artemio Ricarte na sumama
sa kanya at inalok din ng pabuya ang mga sundalo ng Magdiwang upang lumipat sa
kanyang hukbo, ngunit ang dalawang heneral ay hindi sumama dahil sa mahigpit na
babala ni Aguinaldo na ang hindi pagkilala o pagtulong sa bagong pamahalaan ay
tanda ng kataksilan sa bayan na lalapatan ng kaukulang parusa. (Taylor,
1:301-2) Hindi rin ito nababanggit sa mga aklat na ginagamit sa
paaralan.
IKALIMA – LUMABAN SA MGA SUNDALO NG PAMAHALAAN
Nang ika-27 ng Abril 1897, nagbaba ng utos si Pangulong
Aguinaldo na arestuhin si Bonifacio at mga kasamahan nito dahilan sa ginawa
nilang pagsalakay sa bayan ng Indang, ayon sa sulat na tinanggap ni Pangulong
Aguinaldo galing kay Severino delas Alas, ang presidente ng bayan ng Indang. (Ronquillo,
109) Lumalabas na tinanggihan ng mga taongbayan ng Indang ang paghingi ni
Bonifacio ng pagkain at mga pangangailangan, dahilan sa nagkakahirapan na noon
sa pagkain, at dito nagalit ang Supremo at malakas na sigaw na ang sabi'y mga
taksil sa rebolusiyon ang mga taga Indang at nagbanta na susunugin niya ang
bayan, una ang simbahan at kumbento. (Corpuz,
118) Nang dumating na nga ang mga huhuli sa kanya, hindi lumaban ang
kanyang mga tauhan at kusang isinuko ang kanilang mga armas, ngunit nagpaputok
si Ciriaco, ang kapatid ni Andres, at napatay ang dalawang kawal ng pamahalaan.
At sa palit-putukan napatay si Ciriaco, at si Andres Bonifacio nama'y tinamaan
ng bala ng riple sa balikat habang itinututok ang kanyang rebolber (Kalaw[court-martial],
5) at nasaksak pa ni Heneral Ignacio Paua sa may leeg (Alvarez[Katipunan],
335). Sila'y dinala ng mga umaresto sa bayan ng Maragondon at doon
ikinulong, inimbistiga at iniharap sa consejo de guerra o kaya'y
korte militar. (Corpuz,
124) Sa mga aklat na mababasa sa paaralan iba ang kwento, sinugod daw
sina Bonifacio at sinaktan kahit hindi lumalaban.
Ang wakas ay dumating kay Andres Bonifacio, ang
bayaning nanganay ng rebolusyon, matapos ang paglilitis ng korte militar sa
salang sedisyon na tinumbasan ng parusang kamatayan. Naglabas naman ng indulto
o patawad si Aguinaldo upang ibaba ang parusa sa halip na kamatayan ay
ibilanggo ng habang buhay. (Taylor
1:329) Ngunit sa kabila ng pagbabago ng hatol ay natuloy pa rin ang
pagbaril sa magkapatid. Ang hiwagang ito ay lininaw ni Aguinaldo sa kanyang
sulat kamay na liham ng araw ng ika-22
ng Marso, 1948. Ayon sa kanyang sulat, tinawag ang kanyang pansin ng
dalawang heneral, sina Hen Pio del Pilar at Hen Mariano Noriel, na nagsumamong
bawiin ang kanyang utos dahil sa panganib na idudulot ni Bonifacio, "kung
ibig pa ninyong mabuhay pa tayo", at upang mailagay sa ayos ang
kapanatagan at pagkakaisa ng rebolusyon. Binanggit ng dalawang heneral ang
balak ni Bonifacio noong sila'y magkudeta ang ipapapatay si Aguinaldo (Zafra,
232-237). Itong balak na patayin si Aguinaldo ay nabanggit din ni Pedro
Giron sa kanyang testimonyo na isa sa mga ebidensiya sa paglilitis kay
Bonifacio (Taylor,
1:315-7; Kalaw, 19)
Ayon kay Ricarte, kasama sa mga nagudyok sa Pangulong Aguinaldo na ipatupad ang
hatol ng Consejo de Guerra ay sina Feliciano Jocson, Antonio Montenegro,
Teodoro Gonzales, Severino delas Alas, Baldomero Aguinaldo, Mariano Trias
Closas at iba pang mga taga lalawigan ng Cavite. (Ricarte,
82) At ayon naman sa mananalaysay na si Teodoro Agoncillo sina
Clemente Jose Zulueta at Mamerto Natividad ang mga mahigpit na nagbunsod kay
Aguinaldo na bawiin ang indulto at ipatupad ang hatol-kamatayan ng Consejo de
Guerra. (Agoncillo)
Si Mabini ay ganoon din ang naging pagkilatis sa
pangyayari. Noong Hunyo 11, 1898 nang mahirang siya ni Aguinaldo bilang
kalihim, nagpasalamat si Mabini dahil natubos daw ni Aguinaldo ang kabiguan sa
panghihimagsik ni Bonifacio, at pinintasan ni Mabini ang malamig na trato sa
pagkukudeta ni Bonifacio. Ang sabi ni Mabini kung sa kanya daw nangyari
ito ay juicio sumarisimo (patayin ng walang paglilitis) agad ang
ipagagawa niya kay Bonifacio at mga kasamahan nito. (Ronquillo,
27) Di kaya kung nabaligtad ang sitwasyon at si Aguinaldo ang tumayo sa
lugar ni Bonifacio, hindi kaya ni ha, ni ho, patay agad si Aguinaldo?
Hindi malayong ito nga ang ipapatutupad ayon sa nakasaad sa deklarasyon
ng Acta de Naic at sa mga ipinakitang ugaling marahas ni Bonifacio,
halimbawa, ang utos niyang hanapin si Teodoro Plata at paghiwalayin ang ulo sa
balikat (St.
Clair, 134-135), ang pagtutok niya ng baril kay Buenaventura Domingo noong
nakawala ang Prayle nang masukol nila ang Mandaluyong (Alvarez[Katipunan,
262), ang pagtutok niya ng baril kay Daniel Tirona dahil sa hinala niyang
nagkalat ng mga polyetong laban sa kanya (Alvarez[Katipunan],
304), at ang muling pagtutok niya ng baril kay Tirona sa loob ng kapulungan
sa Tejeros sa karamihang tao (Alvarez[Katipunan],
322).
Ngunit sa kahulihulihan hindi maipagkakaila na tunay na tunay nga ang
kabayanihan ni Andres Bonifacio kahit mawaring mayroon siyang ipinamalas na
kahinaan. Siya ay magiting na bayani hindi dahil sa paglaban niya sa mga
Kastila, sapagka't marami na ring gumawa niyang noong mga nakalipas na panahon,
tulad nina Francisco Dagohoy, Diego Silang o Leon Kilat at iba pa.
Ang tunay na kabayanihan ni Supremo Bonifacio ay nasusukat sa nagawa
niyang malawakang pagpukaw sa damdaming makabayan ng mga Pilipino sa
pamamagitan ng kanyang pagtuturo ng tunay na pagmamahal sa bayang
tinubuan, na siyang nagbigay buhay at lakas sa pagsulong ng pagtataguyod
sa inaasam na kalayaan at kasarinlan ng bansang Pilipinas.
SOURCES:
1. Agoncillo, Teodoro: Speech delivered at a symposium held
at the Philippine Columbian Association, Manila, on the occasion of the 97th
birth anniversary of General Emilio Aguinaldo on March 22, 1965, 7:00 p.m.
2. Alvarez, Santiago V.: “The Katipunan and the Revolution, Memoirs of a
General,” with the original Tagalog text, translated into English by Paula
Carolina S. Malay, Ateneo de Manila University Press, 1992
3. Corpuz, Onofre D.: “Saga and Triumph – The Filipino
Revolution Against Spain”, University of the Philippines Press and Cavite
Historical Society, 2002
4. elos Santos, Epifanio: "Andres Bonifacio",
pages 34-58, The Philippine Review (Revista Filipina), G. Nieva: Manila, P.I.,
January 1918, Ann Arbor, Michigan: University of Michigan Library 2005,
http://name.umdl.umich.edu/ACP0898.0003.001
5. Kalaw, Teodoro M.: "The court-martial of Andres
Bonifacio: with prefatory notes, tr. by Paz Policarpio-Mendez. ; Ann Arbor,
Michigan: University of Michigan Library 2005,
http://name.umdl.umich.edu/ADL9481.0001.001
6. May, Glenn Anthony: "Inventing a Hero The Posthumous
Re-Creation of Andres Bonifacio", New Day Publishers, University of
Wisconsin, Center for Southeast Asian Studies, 1996
7. Ricarte, Artemio: "Himagsikan nang manga Pilipino laban sa
Kastila", .Yokohama, Japan: "Karihan Cafe,", 1927, Ann Arbor,
Michigan: University of Michigan Library 2005, http://malolosrepublic.blogspot.com/2010/06/bibliography.html
8. Richardson, Jim: “The Light of Liberty, Documents and
Studies on the Katipunan, 1892-1897”, Ateneo de Manila University Press, 2013
9. Ronquillo, Carlos: "Ilang Talata Tungkol sa
Panghihimagsik ng 1896-1897", edited by Isagani Medina, University of the
Philippines Press, 1996
10. Taylor, John R..M.: "The Philippine Insurrection Against
the United States, a compilation of documents with an introduction by Renato
Constantino", Eugenio Lopez Foundation, Vol. 1, 1571 to May 19, 1898,
Pasay City, Philippines, 1971
11. Zafra, Nicolas: "Riptide to Tejeros, ‘The Making of
a Nation", Filipino Heritage, Lahing Pilipino Publishing, Inc. Philippine
Copyright, vol. 8, 1978
#TUKLAS
No comments:
Post a Comment